Sobrang mahal ng Internet sa ‘Pinas, super bagal naman
May nabasa tayong news report na panayam sa isang economist ng Asian Development Bank (ADB). Ayon kay Ronald Mendoza, ADB Senior Economist, Malabo raw mapanatili ang paglago ng ating ekonomiya bunga ng kakulangan ng mga imprastraktura na susuporta sa papalago ng ekonomiya. Luma’t inaamag na raw ang ating mga imprastraktura at walang matinong nakasasabay sa ibang imprastraktura mula sa ibang bansa.
Matagal na nating sinasabi na kumilos na tayo ngayon dahil kapag natuloy na ang ASEAN Integration, tiyak madarama ng lahat na napag-iiwanan na tayo. Isipin ninyo, ang ating mga kapitbahay ay may mas modernong mga kasangkapan at teknolohiya. Kung gusto nating maging maganda sa paningin ng mga investor an gating bansa dapat may pangsuporta tayo sa kanilang mga negosyo.
Paano tayo sasabay kung luma at dehado ang ating mga sistema at imprastraktura? Sa internet speed na nga lamang, eh, 100-120 na ang top speed sa Amerika, pero rito sa atin, 7-12 pa lamang at hindi pa sigurado kung kalian magiging kumpleto ang LTE?
Ang mahal ng binabayad natin sa gastos sa telepono pero super-bagal naman ng ating internet connections?
May kakulangan daw sa suplay ng kuryente, mayroon ding kakulangan tayo sa road networks at ang nakapanlulumo, wala tayong modernong MRT at railway system. Nais nating magkaroon ng trabaho ang ilang milyong Pinoy pero kakarag-karag naman ang mga bagon na magdadala sa kanila mula sa kanilang mga bahay hanggang sa kanilang trabaho, paano ‘yan? Pinalalala pa ito ng mabigat na trapiko na araw-araw na sakit ng ulo ng mga motorista.
Kulang din ang ating road system mula sa ating mga production center tungo sa pamilihan. Kailangan pa natin ng marami at mas modernong mga airport at seaport.
Napakahalaga ng pagkakaroon ng isang matino at komprehensibong “infrastructure plan” sa anumang bansa. Rito magsisimulang tumakbo ng mahusay at maayos ang araw-araw na buhay ni Juan dela Cruz hanggang sa takbo ng pangkabuuang ekonomiya ng bansa. Higit sa lahat, sa plano magsisimula. Maganda sana kung naipagpatuloy lahat ng nakasaad sa “infra masterplan” noong dekada otsenta. Baka mas maganda ang lagay ng buhay natin ngayon.
This article was published in Bulgar on Monday, 20 October 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.
No comments:
Post a Comment